Mga Kalamidad: Paraan ng Kalikasan
Fairview
2010-01-10 00:00:00

By: Ivan Roger Recede

Noong huling linggo ng Setyembre hanggang sa pagpasok ng buwan ng Oktubre, ginulantang tayo ng paghagupit ng magkasunod na bagyo sa Pilipinas, partikular sa Luzon: ang 'Ondoy' at 'Pepeng.'

Ika-24 ng Setyembre, ang isang namataang sama ng panahon sa silangan ng Rehiyong Bikol ay ganap nang naging bagyo at pinangalanan itong 'Ondoy.' Ang tipikal at mahinang bagyong ito na may lakas ng hanging umabot lamang sa 85 kilometro kada oras, 'di hamak na mas mahina kaysa 'Milenyo' na may lakas ng hanging umabot sa 150 kilometro kada oras at tumama rin sa Maynila noong 2006, ay siya palang magdadala ng labis na kalamidad at kahirapan sa Kalakhang Maynila at sa mga karatig nitong lalawigan.

Ang matinding pag-ulan noong ika-26 ng Setyembre ay ang naging banta ng tuloy-tuloy na pagtaas ng tubig sa halos kabuuan ng Maynila, Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Ang mga ilog ng Pasig, San Mateo at Marikina ay ilan sa mga umapaw na ilog na lumikha ng malawakang pagbaha at napakalaking pagkasira sa ari-arian at maging sa kabuhayan.

Sa mga ibinigay na impormasyon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang pag-ulan na dala ng bagyong 'Ondoy' ay ang pinakamalakas sa loob ng halos apat na dekada. Noong 1970's ay naitala ang 391 mm ng ulan sa loob ng 24 na oras, pinakamarami sa kasaysayan. Ngunit, ngayong 2009, sa kasagsagan ng bagyong 'Ondoy' at sa loob lamang ng siyam na oras na tuloy-tuloy na pag-ulan, mula ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon, ay naitala ang bagong rekord na 455 mm. Ito ay napakataas na bilang upang magpaapaw sa mga dam at ilog na lubhang mapanganib sa mga mabababang lugar na maaaring bahain.

Napakarami ng mga taong naistranded sa iba't ibang lugar, lalo na ang mga inabutan ng pagtaas ng tubig-baha sa mga lansangan. Ito marahil ay dahil sa hindi inalintana at inasahan ng marami ang magiging hatid nitong perwisyo sa mga tao. Pinalubog din nito ang karamihan ng mga subdibisyon sa Pasig, Marikina at Cainta na isa pang naging dahilan ng pagka-istranded ng mga tao sa kani-kanilang bubungan.

Mayaman man o mahirap, artista man o pangkaraniwang tao lamang, ay hinagupit ni 'Ondoy.' Halos 300 ang iniwan nitong patay, higit kalahating milyong tao ang naapektuhan at umabot sa P5.5 bilyon ang winasak nitong ari-arian, kasama na ang agrikultura at imprastraktura.

Hindi pa man nakakabangon ang karamihan sa paghagupit ni 'Ondoy,' isang bagyong mas malakas kaysa naunang bagyo ang pumasok sa dagat ng Pilipinas noong ika-30 ng Setyembre at pinangalanan itong 'Pepeng.' Ang bagyong ito, na may pagbugso ng hanging 230 kilometro kada oras, ay inaasahang tatama sa kalupaan ng Aurora at Isabela noong ika-2 ng Oktubre at tatawid sa Hilaga at Gitnang Luzon.

Ngunit, bago pa man ito tuluyang tumama sa kalupaan ng Aurora, ito ay lumihis ng direksyon at tinumbok na ang Hilagang Cagayan. Ang pangyayaring ito ay nagmistulang isang 'blessing in disguise' para sa lahat ng hinagupit na ni 'Ondoy' sa Gitnang Luzon, kasama na ang Kalakhang Maynila at Timog Katagalugan, sapagkat ang susunod na kalamidad na atin sanang haharapin ay hindi na natuloy. Hindi rin naman natin maiaalis ang pangamba kung ano ang ihahatid nitong pinsala sa dulong Hilagang Luzon, lalo na't iyon na ang tinatahak ng bagyo.

Bago rin ito tumama sa dulong Hilagang Luzon, sinalanta rin ng bagyong ito ang Kabikulan, partikular ang mga probinsiya ng Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, kung saan may iniulat na nasawi, at Albay, kung saan rumagasa ang lahar mula sa Bulkang Mayon.

Nandiyan na rin ang kabi-kabilang pagguho ng lupa sa Benguet, pagkalubog ng mga pananim sa tubig-baha sa Cagayan at Isabela, at ang mga storm surges sa mga dalampasigan ng Hilagang Luzon, partikular sa mga probinsiya ng Ilokos at Aparri sa Cagayan, kung saan nasira ang mga seawall.

Marahil na rin siguro sa mga naging karanasan natin sa bagyong 'Ondoy,' naging sapat na ang ating paghahanda sa pananalasa nitong bagyong 'Pepeng.' Ang buong Luzon ay inihanda sa paghagupit nito, kung saan libu-libong mga residente ang inilikas nang maaga. Mas naging kaunti rin ang iniwan nitong pinsala kumpara sa 'Ondoy' dahil sa mas napaghandaan natin ito ng mabuti.

Sa dalawang unos na hinarap natin, hindi natin maiiwasan ang pagkawasak ng mga tahanan, ari-arian at kabuhayan. Nakita natin ang mga pangyayaring sa isang iglap, tanging bakas na lamang ng mapait na trahedya ang iniwan sa ating harapan: mga putikang kagamitan at kotseng hindi na maaari pang gamitin, mga walang buhay na tao at hayop na tinangay ng rumaragasang putik at baha, at bultu-bultong basura na nagkalat kung saan-saan.

Ang mga ito ay totoong naging babala sa atin na ang lahat sa mundo ay maaaring mawala sa isang kisapmata. Lahat ng pagmamay-ari natin ay pwedung bawiin sa isang pitik lamang.

Walang sinuman sa atin ang makapagsasabi kung kailan makakaahon sa kalamidad na hinarap at makapamuhay muli nang normal ang mga taong sinalanta ng dalawang bagyong sina 'Ondoy' at 'Pepeng.' Tunay na mahirap na makawala sa katotohanang ito, lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay at maayos na pamumuhay.

Hindi natin masasabing gawa ng Diyos ang mga ito. Sa lahat ng mga ito ay laging may koneksyon ang tao. Ang walang habas na pagsira ng sangkatauhan sa kalikasan ay ang siyang maghahatid sa atin sa bingit ng kapahamakan. Kaya naman, dumadalas na ang pagbisita ng malalakas na bagyo sa ating bansa at lalo ring tumataas ang temperatura ng ating mundo o ang tinatawag na Global Warming.

Imulat na natin ngayon ang ating mga isipan. Isagawa, isaisip at isabuhay natin ang pangangalaga sa kalikasan at sa lahat ng ibinigay sa atin ng Diyos. Kahit sa isang simple at maliit na pamamaraan ay tiyak na makakatulong tayo sa pagsalba sa lumalalang kalagayan ng kalikasan. Iba-iba man tayo ng paniniwala ay iisa rin lang naman ang nais natin sa mundo: ang mamuhay ng maayos at malayo sa anumang kalamidad. Kung hindi tayo kikilos ngayon ay tayo rin ang tatanggap ng mga mali nating ginawa.

Sa huli, maihahatid ng sumusunod na pahayag ang kabuuan ng kalamidad na ito: "Ang mundo at kalikasan ay hindi natin minana mula sa ating mga magulang, ito ay hiniram lamang natin sa ating mga anak." Sa simpleng pagpapaliwanag, hindi naman tayo nagsasauli ng isang bagay na hiniram natin na sira-sira at gula-gulanit na. Ang ating kalikasan ay dapat nating pangalagaan para sa mga susunod pang henerasyon ng sangkatauhan. Hahayaan ba nating ibalik at ibigay sa ating mga anak ang kalikasan na sira na at maghahatid sa kanila ng walang katapusang paghihirap at kalamidad.


source : The Bridge